tanda ko pa, nuong masbata pa ako, mga ilang daang taon nang nakalipas, ay madalas akong manangalog. sa yaya kasi ako lumaki. kung tutuusin, halos lahat ng mga kalaro ko sa bahay namin, lahat kaming magpipinsan, lahat tagalog ang gamit namin dahil lahat rin kami'y laki sa yaya. tanda ko rin, madalas akong pinagsasabihan ng aking mga magulang na masmagaling pa raw akong magtagalog kaysa mag-chinese. datapwa't di naman nilang pagalit na sinasabi ito, alam ko na gusto rin nila na dalangan ko ang pagtatagalog sa bahay. tsino raw ako at dapat nagsasalitang tsino. di lang nila alam na ang tunay na rason kung bakit di ako madalas mag-chinese ay dahil di na ako marunong magsalita nito. e papaano naman, sa bahay, tagalog na nga ang gamit ko, pati sa eskuwelahan, pag kausap ang mga kaklase, tagalog rin. maski man may "english policy" kami kung saan minumulta ang estudyante o pinarurusahan (parang call center kami, diba?!) sa oras na mahuhuling nagtatagalog, dahil labis na matitigas ang ulo namin, sige, tagalog pa rin! mas grabe pa paghapon kung saan nagaaral naman kami ng chinese. mandarin at fookien ang gamit ng mga guro sa pagnagtuturo pero siguro dahil sa kapurulan ng utak namin, pati mga sila, napipilitan na ring magtagalog para lamang kami makaintindi.
(hinga ng malalim.... GO!)
tagalog ang wika ng aking kinalakihan. hanggang pagtapak ng mataas na paaralan, tagalog pa rin. parusa na kung parusa dahil sa lecheng "english policy" na yan, maskampante pa rin ako magtagalog, maski na medyo marunong na rin akong mag-ingles (salamat sa pagpapanood ng cartoons at ng sesame street). siguro, dahil na rin sa sobrang hasa, pati sa pagsusulat ko, nasanay na rin ako sa tagalog. napansin ko na maskaya kong ihayag ang aking sarili sa pagsulat kapag gamit ko ay tagalog. sa mga theme paper namin dati, laging masmataas ang marka ko sa Filipino kaysa sa English. ang nakakatawa lang dito, masmagaling man akong magsulat at magsalita sa tagalog, walang kuwenta naman ako sa pagbabasa nito. parang kinder 2! sa kasawiang palad, masbihasa akong magbasa ng ingles. o well... sabi nga nila, you can't have it all.
kampante akong magtagalog. dahil na rin siguro dito ay medyo ilang akong makipagusap sa mga dayuhan, lalo na sa mga kano. inglesin mo ako dati at siguradong papawisan ako ng bigla at manganagtog ang tuhod. medyo matataranta ng konti and maguutol-utol sa aking pagpipilit makipagusap. ganito kadalasan ang nangyayari sa aking, maski na kung kamaganak pa man ang kaharap! ngunit nang umuwi ang aking pinakamatalik na pinsan galing canada (kung saan na sila nakatira), lubos kong pinilit ang sarili kong magingles. naisip ko na mas gugustuhn ko pang magtinig tanga kaysa di ako makapagsalamuha sa kanina. hirap talaga ako nuon. buti nalang, kababata ko si pinsan at ikinalulugod nya ang paghihirap ko. bilang ganti, natuto rin sya magtagalog (PUTA ang una nyang nasabi, ahahaha!) habang ako nama'y natuto maging kampante sa aking pagiingles.
tinanong ko si kuya isang beses kung paano ko ba puwedeng pabutihin ang aking pagsasalita ng ingles. galing kasi si kuya, miyembro kasi ng school paper at feature editor pa! naiisip-isip ko rin kasi na di naman pwede na habang buhay akong uutal utal kapag kinusap ng derechong ingles, diba. simple lang ang sagot ni kuya sa akin... magisip ka sa ingles. HUH? magisip ka sa ingles. wag raw akong magsalin sa utak ko, kundi derechohin ko na raw isipin ang mga pangungusap ko sa ingles. sa katagalan , masmagiging bihasa rin daw ako. sinunod ko ang payo ni kuya at tama nga ang sabi nya. nasanay rin akong magingles. tumulin ang aking pagsasalita at pati na rin ang aking pagsusulat. nakatulong rin siguro na nakapagsanay ako ng husto sa pakikipagusap kina pinsan, pati na rin sa aking mga kabarkadahan sa eskuwela nuon (editor in chief si BFF, reyna bookworm naman yun isa, si isa naman valedictorian... lahat, spokening dollar!)
sa pagtapak ko ng kolehiyo, ingles na ang bukang bibig ko. di ko na matandaan kung nakayanan ko pang magtagalog tulad na nuong masbata pa ako. dahil rin na ako'y nagaral sa FEU at siguro marami sa mga kaklase ko nuo'y di pa nakakakita ng tsino sa buhay nila (alamat ba kami?), sige naman sila na nakikiingles pag kausap ako, iniisip kasi siguro na di ako makaintindi. magugulat nalang sila pag bigla akong sasagot ng tuwid na tagalog. mabuti na rin siguro na gumaling akong magingles nuon. labis rin kasi itong nakatulong sa akin sa kolehiyo, lalo na nang tumapak ako ng PT proper at lahat ng reporting ay ingles. medyo madugo kasi ang labanan sa PT school at gagawin mo talaga ang lahat para lang mapaangat ang marka mo. minsan pa habang nagrereport ka, e may asungot na kaeskuwela na eepal at bibirahan ka ng mag walang kuwentang tanong tungkol sa report mo. syempre, extra pogi points ang sumagot ng derechong ingles (kasi si dra. sosyalera, nakikinig) na para kang sumali ng ms. universe! masepektibo pa, sa aking palagay, ang manindak ng mga epal na to kapag ingles ang gamit mo kasi di nila alam ang sekreto ko... ang magisip sa ingles :)
so ngayon... hirap na naman muli ako. tunuturuan ko muli ang sarili kong magsulat sa tagalog dahil tama nga man ang sinabi ni VG nuon. merong mga bagay na masmabuting sabihin sa tagalog. masmalaman sya kung babasahin. siguro rin kasi, kapag gamit ang sariling wika ay, masnakakahinga ng mabuti ang kaluluwa at masnasasabi nya na walang hadlang ang kanyang loobin.
(hinga.... ok. punasin na ang dugo mula sa ilong.)
6 comments:
kelangan mo sigurong mag Diazepam kung may English(man) sa harap mo. lol! Pang-kontra anxiety.
hey! i remember reading your blog a while back! geez, must be freezing now at the UK, noh? :)
well, i'm glad to say i don't get anxiety attacks anymore if i do bump into a native english-speaker.
i have it now if i bump into a native chinese-speaker instead! ahahahaha!
thanks for visiting kris!
ang galing mo pala magtagalog hehe.
yun pala ang technique sa pgsasalita ng fluent na english a im planning to take up IELTS kasi e feeling ko di ako papasa!!!!
naks, ang haba ng post na ito ha, at ang husay! tula naman! lol.
huy jamie, parang kilala kita...
taga singkongwe ka ba (basahin mo ng mabilis hehehe)
@anonymous. di ko na kailangang basahin ng mabilis, first two syllables palang, alam ko na! :)
pakilala ka naman :)
Post a Comment