Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Monday, March 9, 2009

ang bitag

kaya mo bang pumalag
sa yakap kong mahigpit;
sa sakal ng aking braso na
sa kat'wang mong pipilipit?

dahan-dahan kitang ipipiga
ang buhay mo'y kakatasin.
iyong lakas, sa aking ibibigay,
'yong hininga'y aking uubusin.

ang 'yong huling pagsuko
aking pagsasamantalahin.
katawan mo'y ihihimay.
kaluluwa mo nama'y, sasakmalin.

tanging hangal mo lamang sisidlan
ang aking nasang ititira.
mga naiwang tigang na latak;
mga alaala ng hinamong babala.

kaya dinggin mo 'ko ngayon,
at ika'y mabuting makinig!

ipagbuti mo akong layuan
dahil rito, sumpang sasapit!
ito ang lagim na dadanasin
sa oras na napapalapit,
sa pagkakataong ikaw ay
sa aking paing maaakit.


Tuesday, February 24, 2009

mga muni-muni ng pagkapuyat

alas-tres y medya na ngayon. ilang sandali na lang, bente kuwatrong oras na ang nakalipas nang huli akong napikit upang makatulog. dilat na dilat pa rin ang utak, wala namang 'tong iniisip pero ayaw paring sumoko sa tukso ni antok. pilit pa rin siyang nagmamatigas habang hinahayaan ako, lasing na sa pagod, na manatiling gising. sumasakit na ang ulo, naduduling na ang paningin, hirap nang mag-type at magbasa at kanina, dahil ingles ako magsulat, hirap na ring magisip kung paano isulat ang laman ng ulo. di ko lang alam kung bakit tagalog bigla ang gamit ko ngayon.

ganun siguro yun. pagpuyat, tagalog na ang lingua franca ng aking kaluluwa, kung ano pa mang parte sa kanya ang nananatiling gising. natahimik na kasi ang sumasapaw na masedukadong parte ng aking isipan. wala na akong pakialam sa balirala, ispeling, o pambantas man. hala bira at sulat na lang ng sulat! pansin ko rin pagnakukulangan ako ng pahinga, "bumibilog ang buwan". tulog na rin kasi ang konsensya kaya lahat ng puwedeng maisip na katarantaduhan at kamunduhan, naiisip at nararamdaman din. ganito siguro ang pakiramdam ko kapag ako'y malasing. nawawala lahat ng takot at konsiderasyon, tanging naiiwan lang ay ang hilaw na ideya at ang desisyon kung gagawin ko ba o hindi.

pakiramdam ko ngayon ay para akong lumulutang sa ere. minamabuti kong itakda lahat ng nararanasan ko ngayon dahil sa aking palagay, mahaga na matandaan ko itong lahat dahil baka di na to mangyari muli. ayaw ko na itong mangyari muli. minsan lang naman kasi akong napupuyat habang nagaaruga ng pusong sumasakit, at minsan lang naman rin ako, dahil sa puyat, nagiging ganitong katapat sa sarili. alam kong malilintikan na naman ako sa aking sasabihin ngunit, hinahanap hanap ko pa rin ang bagay na aking naiwan. iniisip ko parin kung paano kaya kung naiba ang mga pangyayari. kung naging ibang tao kami. kung di ako sobrang takot. kung di ako sobrang nananalig. kung sana, di kami dalawang lalaki na nalulok sa bawal na pag-ibig. alam ko man na tama ang aking ginawa, ngunit di pa rin gumaan ang aking pakiramdam at di pa rin gumiginhawa ang aking sitwasyon na, sa aking palagay, ay nararapat kapag tama ang desisyon mo, diba? pero ganyan lang daw talaga, sabi ni pinsan kagabi. minsan, masakit at nakakasakit ang maging tama, pero kailangan pa rin itong gawin. matagal ko pa raw 'tong dadalhin. matagal-tagal ko pa rin daw ito maiisip at mararamdaman, pero lahat man ay maykatapusan rin. 'wag lang daw akong mawalan ng pagasa at maiinip.

napansin ko, medyo gising pa pala ako nung sinulat ko yung unang talata. madami pala akong iniisip kaya di mapahinga ang utak. pero ngayon... di na ako nagsisinungaling.

masubukan ngang matulog muli.

Tuesday, February 10, 2009

ang babae sa batis

natunaw ang liwanag
sa'yong kayumangging balat.
isang pinilakang bukal;
tila niyebeng sumusuko
sa bagsik ni amang araw.

kaakit-akit siyang umaagos,
humubog sa iyong hubad na kurba.
kumapit; bumalot; sumaplot;
at iniwan ka sa iyong
maluwalhatiang kintab.

Wednesday, February 4, 2009

isa pang subok! karirin nga!

tanda ko pa, nuong masbata pa ako, mga ilang daang taon nang nakalipas, ay madalas akong manangalog. sa yaya kasi ako lumaki. kung tutuusin, halos lahat ng mga kalaro ko sa bahay namin, lahat kaming magpipinsan, lahat tagalog ang gamit namin dahil lahat rin kami'y laki sa yaya. tanda ko rin, madalas akong pinagsasabihan ng aking mga magulang na masmagaling pa raw akong magtagalog kaysa mag-chinese. datapwa't di naman nilang pagalit na sinasabi ito, alam ko na gusto rin nila na dalangan ko ang pagtatagalog sa bahay. tsino raw ako at dapat nagsasalitang tsino. di lang nila alam na ang tunay na rason kung bakit di ako madalas mag-chinese ay dahil di na ako marunong magsalita nito. e papaano naman, sa bahay, tagalog na nga ang gamit ko, pati sa eskuwelahan, pag kausap ang mga kaklase, tagalog rin. maski man may "english policy" kami kung saan minumulta ang estudyante o pinarurusahan (parang call center kami, diba?!) sa oras na mahuhuling nagtatagalog, dahil labis na matitigas ang ulo namin, sige, tagalog pa rin! mas grabe pa paghapon kung saan nagaaral naman kami ng chinese. mandarin at fookien ang gamit ng mga guro sa pagnagtuturo pero siguro dahil sa kapurulan ng utak namin, pati mga sila, napipilitan na ring magtagalog para lamang kami makaintindi.

(hinga ng malalim.... GO!)

tagalog ang wika ng aking kinalakihan. hanggang pagtapak ng mataas na paaralan, tagalog pa rin. parusa na kung parusa dahil sa lecheng "english policy" na yan, maskampante pa rin ako magtagalog, maski na medyo marunong na rin akong mag-ingles (salamat sa pagpapanood ng cartoons at ng sesame street). siguro, dahil na rin sa sobrang hasa, pati sa pagsusulat ko, nasanay na rin ako sa tagalog. napansin ko na maskaya kong ihayag ang aking sarili sa pagsulat kapag gamit ko ay tagalog. sa mga theme paper namin dati, laging masmataas ang marka ko sa Filipino kaysa sa English. ang nakakatawa lang dito, masmagaling man akong magsulat at magsalita sa tagalog, walang kuwenta naman ako sa pagbabasa nito. parang kinder 2! sa kasawiang palad, masbihasa akong magbasa ng ingles. o well... sabi nga nila, you can't have it all.

kampante akong magtagalog. dahil na rin siguro dito ay medyo ilang akong makipagusap sa mga dayuhan, lalo na sa mga kano. inglesin mo ako dati at siguradong papawisan ako ng bigla at manganagtog ang tuhod. medyo matataranta ng konti and maguutol-utol sa aking pagpipilit makipagusap. ganito kadalasan ang nangyayari sa aking, maski na kung kamaganak pa man ang kaharap! ngunit nang umuwi ang aking pinakamatalik na pinsan galing canada (kung saan na sila nakatira), lubos kong pinilit ang sarili kong magingles. naisip ko na mas gugustuhn ko pang magtinig tanga kaysa di ako makapagsalamuha sa kanina. hirap talaga ako nuon. buti nalang, kababata ko si pinsan at ikinalulugod nya ang paghihirap ko. bilang ganti, natuto rin sya magtagalog (PUTA ang una nyang nasabi, ahahaha!) habang ako nama'y natuto maging kampante sa aking pagiingles.

tinanong ko si kuya isang beses kung paano ko ba puwedeng pabutihin ang aking pagsasalita ng ingles. galing kasi si kuya, miyembro kasi ng school paper at feature editor pa! naiisip-isip ko rin kasi na di naman pwede na habang buhay akong uutal utal kapag kinusap ng derechong ingles, diba. simple lang ang sagot ni kuya sa akin... magisip ka sa ingles. HUH? magisip ka sa ingles. wag raw akong magsalin sa utak ko, kundi derechohin ko na raw isipin ang mga pangungusap ko sa ingles. sa katagalan , masmagiging bihasa rin daw ako. sinunod ko ang payo ni kuya at tama nga ang sabi nya. nasanay rin akong magingles. tumulin ang aking pagsasalita at pati na rin ang aking pagsusulat. nakatulong rin siguro na nakapagsanay ako ng husto sa pakikipagusap kina pinsan, pati na rin sa aking mga kabarkadahan sa eskuwela nuon (editor in chief si BFF, reyna bookworm naman yun isa, si isa naman valedictorian... lahat, spokening dollar!)

sa pagtapak ko ng kolehiyo, ingles na ang bukang bibig ko. di ko na matandaan kung nakayanan ko pang magtagalog tulad na nuong masbata pa ako. dahil rin na ako'y nagaral sa FEU at siguro marami sa mga kaklase ko nuo'y di pa nakakakita ng tsino sa buhay nila (alamat ba kami?), sige naman sila na nakikiingles pag kausap ako, iniisip kasi siguro na di ako makaintindi. magugulat nalang sila pag bigla akong sasagot ng tuwid na tagalog. mabuti na rin siguro na gumaling akong magingles nuon. labis rin kasi itong nakatulong sa akin sa kolehiyo, lalo na nang tumapak ako ng PT proper at lahat ng reporting ay ingles. medyo madugo kasi ang labanan sa PT school at gagawin mo talaga ang lahat para lang mapaangat ang marka mo. minsan pa habang nagrereport ka, e may asungot na kaeskuwela na eepal at bibirahan ka ng mag walang kuwentang tanong tungkol sa report mo. syempre, extra pogi points ang sumagot ng derechong ingles (kasi si dra. sosyalera, nakikinig) na para kang sumali ng ms. universe! masepektibo pa, sa aking palagay, ang manindak ng mga epal na to kapag ingles ang gamit mo kasi di nila alam ang sekreto ko... ang magisip sa ingles :)

so ngayon... hirap na naman muli ako. tunuturuan ko muli ang sarili kong magsulat sa tagalog dahil tama nga man ang sinabi ni VG nuon. merong mga bagay na masmabuting sabihin sa tagalog. masmalaman sya kung babasahin. siguro rin kasi, kapag gamit ang sariling wika ay, masnakakahinga ng mabuti ang kaluluwa at masnasasabi nya na walang hadlang ang kanyang loobin.

(hinga.... ok. punasin na ang dugo mula sa ilong.)

Sunday, February 1, 2009

jodinand at ang pagdudugo ng aking ilong

una kong narinig ang pangalan nya habang kasama ko ang aking mga bagong blogging prends habang umiinom nang maiinit na kape sa istarbuko sa CCP. sa tutuusin, ako lang ata ang umiinom ng mainit na kape nuon, napaso pa nga 'ta ako habang dahan-dahang sinisipsip ang umuusok kong venti cafe americano (mahilig kasi ako sa mga matatapang na kape, kasi di ako tinatablan, di tulad ng iba na nagmimistulang mga nakahithit ng chongki, kahit decaf frap lang naman yung ininom.. arte). habang kami'y naguusap, biglang nabanggit ng isa sa amin ang mga video ng isang pilipinong nakatira sa canada. jodinand ang pangalan nya. nung una'y di ko sobrang naintindihan ang aking narinig. mahirap namang kasing kilalanin ang mga kakaibang mga pangalang, lalo na yung mga bibihiran mo lamang marinig, tulad ng, um, er.... JODINAND. bagong rapper ba sya? hindi pala, youtube-er pala sya. medyo makulit raw, nakakatawa, nakakatuwa, at sa katagalan ay, nakakabighani rin... nakatulong rin raw kasi na may hitsura siya.... maski na medyo katangitangi ang pangalan nya (peace tayo, bro. hehehehe)

medyo matagal pa naming siya pingausapan at ang mga video na ginawa nya. la kalagitnaa'y naitalakay namin kung may posibilidad ba na siya'y isa ring "diwata" tulad namin . nagbigay ang mga kasama ko ng kani-kanilang mga kuro-kuro tungkol dito, ngunit dahil mahirap maghinala, lalo na sa mga personalidad sa cyberspace na walang sapat na pruweba (baka ma lolit solis pa kami ng di oras), iniwan na lamang namin ang tanong na nakabitin sa ere at tumuloy sa ibang kuwento... tulad ng sinong gaganap ng mga bagong Dodong sa Zsazsa Zaturnnah.

dahil sa labis akong mapagsaliksik o dahil wala lang akong magawa at mahilig lang akong magusyoso, minabuti ko na sa aking paguwi ay hanapin nga 'tong jodinand na ito at alamin sa aking sarili kung ano ba tungkol sa kanya ang kinagagalak ng mga kasamahan ko.

di na ako magpapaliwanag (dahil nauubusan na ako ng tagalog at nahihirapan na rin akong magsulat na parang tumitirik na kotse), panuurin nyo la lang ito at kayo na ang humusga.



ako'y labis na natuwa sa pagpapanuod nito. masnatuwa pa ako lalo, dahil habang nanunuod ako'y napadaan sa aking likod si inang irog :) tamang tama ay naghubad si jodinand at nagbihis babae. natuliro si inay at naghinala siguro na ako'y nagaaral kung paano maging ganap na binabae... at binatukan ako bigla! di ko alam kung paano ako kikilos.... kung magagalit ba ako dahil medyo malakas ang pagbatok sa akin o tatawa nalang.... sa kahulihan ay tumawa na lamang ako. nakakatawa rin naman kasi ang ginawa ni inay. nakakatawa rin ang hitsura nya at mukhang takot na takot, inisip siguro na wala na talagang pag-asa anak nyang magbago.

haaaayyyy, paano na yung parlor na gusto ko? ang ganda pa naman ng pink na napili kong kulay para sa mga dingding. ahahahahaha! joke.

kulay lila kasi gusto ko. nyahahahaha!


* * * * *

@VG. i rose, i tried to sustain... i faltered, then i crashed ablaze. i have never felt so fatigued in writing in my life! fun... but i don't think i would like to do it again anytime soon :)